Maraming kwento ng tagumpay sa ating mga OFW. Kelan lang ay may mga ginawarang negosyanteng naging matagumpay matapos ang maraming taong paghahanapbuhay sa abroad. Nakamamangha ang ilan dahil sa napakalaking pagbabago sa estado ng buhay nila - mula sa pagiging katulong o mekaniko ay naging milyonaryong negosyante.
Ngunit batid natin ang samut-saring masalimuot na sitwasyong nararanasan nila dala ng iba't ibang bagay. Mahirap mailarawan ang tunay na nagaganap sa mga kalooban nila habang andun sa ibang bansa. Pangunahin ang palagiang pagkabalisa at pag-aalala sa naiwang pamilya dito sa bansa. Kasabay pa nito ang paninibago sa kaibang kultura at kapaligiran sa lugar ng trabaho.
Sobrang stress ang dulot ng pagharap sa mga gawi at tradisyong napakalayo sa sarili nating nakasanayan. Kaya naman maraming nakakaengkwentro ng iba't ibang karamdaman - sakit ng ulo, paghilab o pangangasim ng sikmura, problema sa mahimbing na tulog. Kalimitan, ang paggamot nila ng mga ito'y pansariling paraan batay sa mga alam na gamot sa botika.
Dahil sa matinding shock sa kultura at pangungulila, karaniwang dumaranas ang mga OFW ng mga sakit na likha ng isip. Kapag napupuno ang isip ng matindi at paulit-ulit na pagkabalisa, maaring malipat ito sa katawan. Tuloy na magkakaroon ng aktwal na pisikal na sintoma.
Ang partikular na karanasan ng OFW sa mga bansang Arabo ay maaring tipikal na kaso ng matinding pagkagulat sa kaibang kultura. Para sa isang katoliko, maraming nakakapanibago sa estilo ng pamumuhay sa Gitnang Silangan. Palasak ang mga kwento ng nahihirapan sa kakulangan ng pagliliwaliw sa gabi, ng inuman, ng piyesta.
Ngunit di maikakaila ang kasabikan sa unang yugto ng biyahe. Siyempre iba rin ang kasiyahan ng pagkakaroon ng pagkakataong makapag-abroad at makakilala ng maraming tao. At may mga bagong bagay na matututunan sa dayuhang kultura na nakakatulong sa paghubog ng mas interesanteng pagkatao.
Yun nga lang naglalaho din ang kasabikang ito. Lalo pag naiisip ang realidad na sila'y talagang malayo sa mga mahal sa buhay. Nagiging matinding lungkot ito kapag nadidismaya sa di natutupad na mga inaasahan - sa trabaho, sa paggalang sa kontrata, sa di makataong pagtrato at paglabag sa karapatan. Kung minsan humahantong pa sa masaklap na pagkabigo dahil sa panlilinlang ng recruiter o pagmamalupit ng amo.
Higit na nadidismaya ang OFW sa tuwing maiisip nilang mas maigi sana kung di na nila kailangang lumisan ng bayan at kapiling ang pamilya pero wala namang disenteng pagkakakitaan. Labis na bigat ang dulot nito sa kalooban ng nag-aabroad para masuportahan ang mga mahal sa buhay.
Batid nating may mga OFW na mas madali ang pag-adjust sa dayuhang kultura. Ngunit marami din ang nahihirapan. Ang lungkot at pangungulila ay maaring nananatili sa mahabang panahon. Marahil nararapat magkaroon ng programa upang maalalayan ang ating OFW sa mga nararanasang sikolohikal na problema. Nakapanghihinayang naman kasi kung matapos ang mahabang panahong pagkakayod sa abroad ay babalik sila sa pamilya na may taglay na emosyonal na bagahe.

